Mga bata sa malayong barangay ng Talacogon, Agusan del Sur, masayang tumanggap ng mga regalo mula sa RCWC Caraga
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Mahigit isang daan at limampung (150) mga bata ng Barangay Sabang Gibong sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur ang tumanggap ng regalo mula sa iba't-ibang ahensya ng pamahalaan na siyang bumubuo sa Regional Committee for the Welfare of Children (RCWC) Caraga sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), at Philippine Information Agency (PIA).
Kasama rin ng RCWC ang mga kawani mula sa Provincial Social Welfare and Development (PSWD) office ng Agusan del Sur, at Foundation for the Development of Agusanons, Incorporated (FDAI).
Tinanggap ng mga bata at kanilang magulang ang school supplies, hygiene kits, mga laruan at pagkain na nagbigay ngiti at saya sa kanila lalo na't buwan ng mga bata ngayon.
Para kay Joebert Morta, isang ama na may dalawang anak sa elementarya, lubos ang kanyang kasiyahan at kabilang ang kanyang mga anak sa nakatanggap ng regalo.
"Maraming salamat sa gobyerno sa pasalubong na kanilang dala para sa mga bata," ani Morta.
"Maraming salamat sa ating gobyerno na bumisita rito at nagdala ng pasalubong sa amin lalo na sa mga bata," banggit din ni aling Maria Morales, residente rin ng nasabing barangay.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga opisyal at guro ng nasabing barangay.
"Lubos ang aming tuwa na bumisita kayo dito sa aming lugar at may dalang regalo para sa mga bata. Hindi nila ito malilimutan lalo na ngayong buwan ng mga bata," ani Ricardo Asis, isang kagawad ng Brgy. Sabang gibong, Talacogon, Agusan del Sur.
Binigyang-diin din ni Krysta Antoni - De Jose, regional coordinator ng RCWC Caraga na hangad ng mga ahensya ng gobyerno na makapagbigay saya sa mga bata, kahit malayo man ang kanilang lugar. "Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap sa amin dito sa inyong lugar. Sana'y makatulong itong mga regalo sa inyo lalo na sa ating mga bata," pahayag niya.
Tiniyak din ng PSWDO sa Agusan del Sur na magpapatuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga residente ng Barangay Sabang Gibong.
Mula sa sentro ng Talacogon, abot sa tatlong oras ang biyahe bago marating ang nasabing barangay sakay ng bangka. (JPG/PIA-Caraga)