Mga sumukong rebelde sumailalim sa deradikalisasyon sa tulong ng lokal na pamahalaan sa Caraga Region
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Walang pagdadalawang isip na lumahok ang may dalawampu't tatlong (23) mga dating rebelde sa mga pagsasanay na isinagawa ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa caraga region bilang parte ng kanilang deradikalisasyon o ang pagsiguro na tuluyan na nilang tatalikuran ang New People’s Army (NPA) – communist terrorist group (CTG) at mamuhay nang payapa sa kani-kanilang komunidad.
Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development (PSWD) sa Agusan del Norte ang pagbibigay ng psychosocial services para sa mga former rebels, kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), at iba pa, para naman sa kanilang pangkabuhayan.
Isa si alyas Nomie, 29 taong gulang na may dalawang anak mula sa bayan ng San Luis, Agusan del Sur, sa mga aktibong lumahok at nagpahiwatig ng kanyang intensyon ng pagbabagong buhay na malayo sa kapahamakang dulot ng npa at matutukan ang pagpapalaki ng kanyang mga anak.
Aniya, sa siyam na taong paninilbihan niya sa teroristang grupo, naging masalimuot ang kanyang karanasan. Nabago aniya lahat nito ang kanyang paniniwala na naging dahilan ng kanyang pagsuko sa gobyerno.
“Para sa mga nasa bundok pa ngayon, piliin niyo ng sumuko at magbalik-loob sa gobyerno. Napatunayan ko mismo ang senserong malasakit ng gobyerno sa atin at totoong marami tayong benepisyong mapapakinabangan. Sa mga tulad kong babae na aktibo pa sa kilusan, mas marami pa tayong magagawang mabuti na may maidudulot na kabutihan sa mga tao,” ani Nomie.
“Sa mga kabataan, huwag kayong magpalinlang sa NPA. Mag-aral kayong mabuti at magsumikap sa buhay. Huwag niyong pahirapan ang inyong mga sarili sa pagsanib sa makakaliwang grupo,” saan din ni alyas Aguilos, 44 taong gulang na ilang taon din na naging rebelde at nanilbihan sa NPA.
Pagtitiyak din ng PSWDO-Agusan del Norte na siyang namamahala sa halfway house ng 402nd Brigade, Philippine Army, na patuloy ang paggabay ng mga kinauukulang ahensya sa mga former rebels at pagbibigay nito ng karampatang tulong.
“Layon ng ating gobyerno na matulungan ang mga former rebel sa kanilang pagbabalik-loob at makinabang sa mga programang nakalaan para sa kanila,” banggit ni Dhelma Alaan, Social Welfare Officer I ng PSWDO-Agusan del Norte. (JPG/PIA-Caraga)