Mga riders sa Caraga region nakiisa sa Motourismo Campaign ng DOT
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Nasa isang-daan at limampung (150) mga Caraganon-riders ang nakiisa sa "Riders Recharge Year 3 - Motourismo Campaign" ng Department of Tourism (DOT) sa Caraga region na layong maipakita at mapalawig pa ang kaalaman ng mga turista sa magagandang lugar sa rehiyon.
Ayon kay DOT Caraga Regional Director Lina Arina, isa itong libreng leisure ride ngayong new normal at hindi kompetisyon kaya dapat na i-enjoy lang ng mga kalahok ang biyahe.
Dagdag pa ni Director Arina, malaki ang tulong na maiaambag ng mga riders sa pag-promote ng turismo ng caraga region lalo na at karamihan din sa mga ito ay vloggers.
“Pangatlong taon na natin itong ginagawa at masaya tayo ngayon na mas marami na ang nakalahok. Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, konti lang ang nakasali na abot lang sa isang-daan, habang nasa 150 na tayo ngayon. Umaasa rin tayo na mas mapalawak pa natin sa tulong na rin ng ating mga riders ang kagandahan ng mga tourist destination ng ating rehiyon,” ani Dir. Arina.
Hinikayat din nina Sayra Concha mula sa Tandag City, Surigao del Sur, at Reynald Malinte mula sa San Francisco, Agusan del Sur na kabilang sa mga aktibong lumahok, ang iba pang riders na sumuporta at tuklasin ang magagandang lugar sa rehiyon at ibahagi ito sa mga turista.
"First time ko pong sumali sa Rides Recharge Motourismo Campaign ng DOT at excited ako na madiskobre at makita ko mismo ang magagandang tourist destinations ng mga probinsya kasama ang aking mga kaibigan at bagong kakilalang riders," banggit ni Concha."Magiging masaya ang ride na ito at tiyak na marami kaming makikitang magagandang lugar sa mga probinsyang dadaanan naming," dagdag ni Concha.
Para masiguro ang kaligtasan ng lahat at maiwasan ang aksidente, pinaalalahanan din ni Police Major Andrew Ponay, Provincial Officer ng Highway Patrol Group ng Surigao City ang lahat ng mga kalahok sa mga alituntunin at traffic rules.
“Palaging isaisip ang traffic rules sa ating byahe para maging ligtas ang lahat at makabalik tayo nang maayos. May mga personnel din tayong nakaantabay sa iba't-ibang stop over areas para tiyakin ang ating seguridad," pahayag ni MPaj Ponay.
Mula Butuan City, nilibot ng Caraganon-riders ang mga lugar ng Agusan del Sur - Surigao del Sur - Surigao del Norte - at Agusan del Norte. (JPG/PIA-Caraga)