Ilang residente sa mga probinsya ng Caraga, nagsilikas at nasa evacuation centers dahil sa landslide at pagbaha
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Dahil
sa walang tigil na pagbuhos ng ulan sa mga probinsya ng Caraga Region, agad
na rumesponde ang mga rescue team ng Local Disaster Risk Reduction and
Management Councils (LDRRMCs) para sa agarang paglikas ng mga apektadong
residente at pansamantalang panunuluyan nila sa evacuation centers.
Sa Butuan City, lubog sa
tubig-baha ang mga kalsada nitong Sabado ng umaga ngunit tumigil naman ang ulan
pagdating ng hapon at unti-unti na ring humupa ang tubig-baha. May landslide
din sa parte ng Barangay De Oro na agad namang natugunan sa isinagawang
clearing operation.
Nanatiling nasa normal na
lebel ang Agusan River nitong sabado na umabot sa 3.50 meters subalit nagsagawa
pa rin ng preventive evacuation upang matiyak ang kaligtasan ng mga
residente lalo na sa mga nasa low-lying at malapit sa riverbanks.
Nakaantabay din ang mga rescue team ng Agusan del Norte para agad matulungan ang mga apektadong residente.
Ang Esperanza-Las Nieves
highway na kadalasang dinadaanan papuntang Butuan City ay hindi
madaanan dahil sa landslide.
Tumaas din ang lebel ng
tubig sa Andanan-Wawa River ng Agusan del Sur.
May ilang bayan din sa
probinsya ng Surigao del Norte na lubog sa tubig-baha at landslide sa mga lugar
tulad ng Malimono.
Sa Surigao del Sur, agad
ring nagdeploy ang Coast Guard Station ng kanilang tauhan para sa pagresponde
sa apektadong lugar ng Sitio Pag-asa, Brgy. Mangagoy, Bislig City.
Sa Bayan naman ng
Cagdianao, probinsya ng Dinagat Islands mahigpit ang pagmonitor sa pagtaas
ng tubig ng ilog sa Barangay Tigbao.
Pinaaalalahanan naman ng
RDRRMC Caraga ang local DRRMCs sa palagiang pag-monitor at pagreport ng status
sa kanilang mga lugar. (JPG/PIA-Caraga)