"Unlock the landlocked" campaign ng AgSur, magbubukas ng panibagong adventure sa mga turista
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN --
Matapos ang mahigit dalawang taong COVID-19 pandemic, inilunsad na ng
Provincial Government ng Agusan del Sur ang "Unlock the landlocked Agusan
del Sur" Campaign sa pangunguna ng Provincial Tourism Office.
Layon ng nasabing kampanya
na pasiglain pa ang turismo at hikayatin ang mga turista na bisitahin ang mga
magagandang tanawin sa lalawigan at maranasan ang adventure na dala nito.
Ayon kay Dannah Rufalyn
Buquir, Provincial Tourism Officer, unang hakbang palang ito sa marami pang
aktibidad na matutunghayan ngayong taon upang mapabilang ang probinsya na isa
sa mga kilalang tourist destinations sa buong mundo.
Ibinahagi rin niya ang
sub-programs tulad ng AgsurVenture sa loob ng 12 buwan at ang AgsurKnown
TV.
“Iniimbitahan natin ang
lahat ng mga mahihilig sa kakaibang adventure na bisitahin ang probinsya ng
Agusan del Sur at magkaisa tayo sap ag-promote ng mga tourist destination ng 14
component local government units,” ani Buquir.
Nanawagan din sa kapwa
kabataan ang mga magagandang dilag na tinaguriang Bae Naliyagan at Bae
Sabuyakan ng Agusan del Sur.
“Ang paggamit ng social
media ay isang mabisang paraan para ipakita sa mundo kung gaano kaganda ang mga
lugar sa probinsya ng Agusan del Sur. Maaari nating ibahagi ang mga pictures at
videos ng mga tanawing napuntahan natin para malaman ng mga tao na mayroon
tayong iba’t-ibang tourist destinations,” banggit ni Romechelle Escrin, Bae
Naliyagan 2022, Agusan del Sur.
“Magkaisa tayo at
suportahan ang ating Provincial Government lalo na at may bagong programang
AgsurVenture at AgsurKnown TV tayo rito,” panawagan ni Cristen Mie Hidalgo, Bae
Sabuyakan 2022, Agusan del Sur.
Hinikayat din ni Agusan
del Sur Governor Santiago Cane, Jr., ang lahat na tumulong sa pag-promote ng
turismo sa pamamagitan ng vlogging para maipakita sa mundo ang kagandahan at
mayamang kultura ng probinsya.
“Ipaalam natin ang
kagandahan ng Agusan del Sur hindi lang dito sa lugar natin, kung hindi pati na
rin sa ibang bansa. Maraming salamat din sa Provincial Tourism Office sa
inisyatibong ito para mapalakas pa ang ating turismo. Bisitahin natin ang mga
tourist destinations ng probinsya,” ani Cane. (JPG/PIA-Agusan del Sur)