Ani at kita ng ARBs sa AgSur inaasahang tataas dahil sa tulong ng DAR
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN --
Walang paglagyan ang kasiyahang nadama ng mga magsasaka o Agrarian Reform
Beneficiaries (ARBs) mula sa iba't-ibang bayan sa probinsya ng Agusan del Sur
nang tanggapin nila ang kani-kanilang Certificate of Land Ownership Award
(CLOA) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
May 563 na mga bagong
benepisyaryo ang tumanggap ng CLOA matapos ang ilang taong paghihintay.
Inabot mismo ng mga
opisyal ng DAR Central Office, Caraga Regional, at Agusan del Sur Provincial
Office ang CLOA sa mga ARBs.
“Napakasaya ko at sa wakas
ay naibigay na ang titulo ng lupa na mula pa sa yumaon kong ama. Mas palalaguin
ko pa ang aming lupain at pupunuin ang taniman para mas kumite,” ani Gilbert
Plaza, ARB ng Sta. Josefa, Agusan del Sur.
“Maraming salamat kay
President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa malasakit niya sa amin at sa
pagbigay ng titulong ito. Nagpapasalamat din ako sa DAR sa kanilang pagsisikap
na matulungan ang mga farmers,” pahayag din ni Maria Fe Montilla, ARB ng
Rosario, Agusan del Sur.
Mas mapapadali na rin ang
pag-harvest at pagbenta ng bigas ng mga Agrarian Reform
Beneficiary-Organizations (ARBOs) dahil mayroon ng farm-to-market road sa
Barangay Poblacion ng Trento, Agusan del Sur, kung saan ang lokasyon ng
Vetrebuns Arc Cluster Rice Processing Complex.
Maliban dito, tumanggap
din sila ng forklift na malaking tulong sa kanilang operasyon.
"Ang proyektong ito sa sa ilalim ng programang ConVERGE o Project Convergence on Value Chain Enhancement for Rural Growth and Empowerment at funded ng International Fund for Agricultural Development (IFAD). Mas tataas pa ang aming produksyon ng ani at kita dahil dito,” sabi ni Maximo Gegato, Jr., Manager ng Vetrebuns Arc Cluster Rice Processing Complex.
Binigyang-diin ni Atty.
Kazel Celeste, Undersecretary for Field Operations Office ng DAR na
magpapatuloy ang ahensya sa pagtulong at paggabay sa mga ARBs lalong lalo na at
ito ay mahigpit na direktiba ni Pangulong Marcos, Jr.
“Mahalagang maipatupad
natin ang mga batas na nagproprotekta sa ating mga ARBs at maibigay sa kanila
ang suporta at iba pang pangangailangan nila maliban sa pagbigay ng CLOA,”
pahayag ni Usec. Celeste.
Pinahalagahan din ni Dir. Jamil amatonding, Jr., Regional Director ng DAR-Agusan del Sur ang mga magsasaka dahil na rin sa kanilang kontribusyon sa food security. Aniya “Kung wala ang ating mga farmers, wala rin tayong makakain sa pang araw-araw. Kaya dapat lang na bigyan natin sila ng importansya at ibigay sa kanila ang kanilang pangangailangan.” (JPG/PIA-Agusan del Sur)