Coastal barangays sa Agusan del Norte, nakinabang sa Agus Serbisyo
LUNGSOD NG BUTUAN -- Mga residente sa apat na coastal barangays ng Tubay, Agusan del Norte ang binisita at nakinabang sa iba’t ibang serbiyong hatid ng probinsya at mga partner na ahensya nito sa pamamagitan ng Agus Serbisyo Caravan.
Malaking tulong ito para sa kanila na mabibigyan ng kaukulang pansin ang kanilang pangangailan sa medical, dental at maging basic social services.
Kabilang sa nabigyan ng tulong ay ang mga residente ng barangay Lawigan, Binuangan, Tagpangahoy at Tiningbasan na maagang dumating sa multi-purpose hall, masaya at abalang nakapila upang makapag-avail sa mga serbisyong nakalaan sa kanila.
Ito ang unang pagkakataun na mabisita at mabigyan ng ganitong klase ng serbisyo at tulong sa pamamagitan ng Agus Serbisyo ang mga taga coastal barangays, kaya’t masayang ipinaabot ng kanilang punong barangay na si Dante Mandam ang pasasalamat sa provincial government sa pagdala sa kanila ng ganitong klase ng programa.
Si tatay Francisco Roloos, 86 anyos na taga barangay Tagpangahoy ay nagpahayag din ng malaking pasasalamat, anya maliban sa benepisyong kanyang natatanggap bilang isang senior citizen, ito ang unang panahon na nakatanggap siya ng libreng reading glasses, bitamina at gamot na maging malaking tulong sa kanya.
Todo suporta naman ang ibinigay ng provincial government sa Agus Serbisyo nito at buwan-buwan itong isinasagawa sa ibat’ ibang lugar ng probinsya na bihirang marating ng tulong at serbisyo.
Isiniguro naman ni governor Ma. Angelica Rosedell Amante na lahat ng mga residenteng nangangailan ng medical at dental na tulong sa apat na coastal barangays ay matatanggap ito. Sila ay bibisitahin sa kani-kanilang mga barangays sa buong buwan ng Marso.
Ipinaalam din ni Tubay mayor Jimmy Beray na marami pang suportang nakalaan sa mga residente ng Tubay, kaya’t hinikayat nya na dapat mag-avail sa mga serbisyong ito. Lahat ng mga barangays ay makikinabang sa mga serbisyong inilaan sa kanila, dagdag pa ni mayor Beray.
Ang Agus Serbisyo ay programang pakikinabangan ng mga Agusanons lalo na sa malalayong lugar. Bibigyan ng kaukulang pansin ang kanilang pangangailan sa medical, dental at maging basic social services. (NCLM/PIA Agusan del Norte)