Grupong M.O.V.E Caraga isinusulong ang kapakanan, karapatan, at kaligtasan ng mga kababaihan
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa selebrasyon ng National Women's Month o Buwan ng Kababaihan, nakiisa ang grupong “Men Oppose to Violence Against Women Everywhere (MOVE), kasama ang Regional Gender and Development Committee (RGADC) sa pagpapaigting pa ng kampanya laban VAWC at pagsulong sa mga karapatan ng kababaihan at kanilang mga anak.
Maraming mga lalaki ang nakilahok sa isinagawang motorcade, zumba exercise at opening program bilang pagbubukas sa naturang selebrasyon.
Suot-suot ang kani-kanilang purple shirts, nais ipahayag ng mga sektor ang kanilang suporta sa adhikain ng RGADC na patuloy na maprotektahan ang mga kababaihan sa ano mang uri ng kapahamakan.
Ayon kay Commission on Population and Development (POPCOM) Caraga Regional Director Alexander Makinano, chairperson ng RGADC Caraga, at aktibo rin sa grupong Men Oppose to VAWC Everywhere, walang imposible sa nagkakaisang sektor para sa iisang adhikain at hangaring mas maging maayos at matiwasay ang pamumuhay ng bawat pamilya at malayo sa karahasan.
“Patuloy lang tayo sa pakikiisa laban diskriminasyon, karahasan at pang-aabuso sa mga kababaihan at kanilang mga anak at mangibabaw ang pantay-pantay na pagtingin at pagbigay natin ng mga oportunidad sa mga babae at lalaki,” pahayag ni Dir. Makinano.
Nagpasalamat rin si Dr. Rolyn Daguil, Campus President ng Caraga State University (CSU) sa Butuan City sa pagiging aktibo nga bawat sektor sa pagsulong sa nasabing kampanya.
Aniya, marami ring inihandang aktibidad ang kanilang institusyon para maisulong ang kapakanan ng mga kababaihan kagaya ng wonder women awards, purple your corner, at marami pang iba.
“Kasama nyo po ang CSU sa ano mang aktibidad para sa pagtataguyod ng kapakanan at kaligtasan ng bawat babae at bata, maging sa mga kalalakihan. May mga inisyatibo rin kami dito sa CSU upang mapalaganap ang ating kampanya laban VAWC,” ani Dagui. (JPG/PIA-Caraga)