TESDA Agsur nag-alok ng libreng skills training
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Nasa mahigit dalawang libong slots ng libreng skills training ang inihanda ng Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) Agusan del Sur Provincial Office para sa mga Agsurnon.
Kabilang sa mga ito ang mga programa sa Coconut Farmer Scholarship, Private Education Student Fund Assistance, training For Work Scholarship at Rice Extension Service.
Ayon kay TESDA Agusan del Sur Provincial Director Allan Millan, may mahigit 2,000 libreng training ang alok ng kanilang tanggapan, at marami na rin ang nagpa-enroll sa mga nabanggit na pagsasanay.
Nanawagan din ang opisyal sa mga agsurnon lalo na sa mga wala pang trabaho na mag-avail na at kumpletuhin ang mapipiling training course mula sa TESDA.
"Mayroon na tayong natukoy na Technical and Vocational Education Initiatives (TVEIs) o mga paaralan na bibigyan natin ng akreditasyon base sa mga criteria mula sa central office para sa implementation ng scholarship program,” ani PD Millan.
Mahigpit ang direktiba mula sa TESDA central office na padaliin ang pagbigay serbisyo, training at scholarship sa mga sektor sa bawat probinsya ng mga rehiyon sa bansa.
Pinaalalahanan
din ni Millan ang publiko na huwag hayaan ang sino mang indibidwal o grupo na
nag-aalok ng National Certificate na may bayad.
“Iwasan po natin ang mga grupo o indibidwal na nag-aalok ng national certificate (NC) ng TESDA na may bayad. Para sa ating mga kababayan, sa tanggapan po ng TESDA kayo magpunta para malaman kung paano ito makuha at huwag po sa kung sinu-sinong tao para makasigurong hindi peke ang sertipikong inyong makukuha,” dagdag ni Millan. (JPG/PIA-Caraga)