Nutriskwela sa community radio stations, pinaigting ng NNC
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa layong mahasa pa ang abilidad at kakayahan ng mga kawani mula sa Radyo Kaagapay, isang community radio station sa Sibagat, Agusan del Sur, sa ilalim ng programa ng National Nutrition Council (NNC) Caraga, sumailalim ang mga ito sa pagsasanay sa radio broadcasting sa tulong ng Philippine Information Agency (PIA) Caraga at Radyo Pilipinas Butuan.
Nasa mahigit 30 indibidwal ang lumahok sa pagsasanay kung saan natutunan nila ang makabagong estratehiya para mas maging epektibo ang kanilang pagsagawa ng interview, radio program at pagbuo ng mga makabuluhang balita sa kanilang komunidad.
Isang magandang pagkakataon ito para kay Radyo Kaagapay station manager, Elizabeth Badajos, lalo't may isinumite rin silang proposal sa kanilang Council para sa enhancement o renovation ng kanilang istasyon.
"Malaking tulong itong Nutriskwela sa aming mga employees para mas lumawak pa ang aming kaalaman sa radio broadcasting at mas maging mahusay sa pagbabalita," tugon ni Badajos.
Ibinahagi naman ni Leah Vina Vargas, Nutrition Officer II ng NNC Caraga na patuloy ang kanilang pagbigay technical assistance sa mga lokal na pamahalaan na mayroong community radio station, at paggabay sa kanilang operasyon upang mapalaganap ang information dissemination patungkol sa tamang nutrisyon at pag-iwas sa kaso ng malnutrisyon sa rehiyon.
"Noong nakaraang taon ay nagsagawa tayo ng Nutriskwela Training sa Siargao Island, Surigao del Norte sa Radyo Kabakhawan, at ngayon naman sa Radyo Kaagapay ng Sibagat, Agusan del Sur. Ginagawa ito ng NNC para matulungan at magabayan ang mga community radio stations ng NNC at sila'y mas maging epektibo sa kanilang pamamahayag," ani Vargas.
Samantala, lahat ng kalahok ay sumailalim sa workshop sa epektibong pamamaraan ng pagsagawa ng interview, pag-anchor ng radio program, at pagsulat ng broadcast news. Lahat naman sa kanila ay pumasa at nakatanggap ng certificate mula sa NNC Caraga. (JPG/PIA-Caraga)