PCW info caravan sa Safe Spaces Act, child marriage, pinaigting sa Caraga
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa tulong ng Philippine Commission on Women North-Mindanao Field Office (PCW-NMFO), mas lalong naintindihan ng iba't ibang sektor sa Caraga region ang magandang naidudulot ng Safe Spaces Act, at ng Republic Act 11596 o ang pagbabawal ng saan mang kaugalian na maikasal ang sino man sa isang menor de edad.
Para kay Lingco Cabugatan, officer-in-charge ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) Provincial Office at siya ring Gender and Development (GAD) Technical Working Group (TWG) focal person, sinusuportahan nila ang adhikaing ito at matagal na aniya silang nagsasagawa ng information dissemination sa Muslim community patungkol sa mga batas na ito.
"At ngayong taon ipinaliwanag namin sa kanila na mayroon ng parusa at kung ano ang maaaring parusa sa mga taong kasabwat o may kinalaman sa Child Marriage. Hindi na uso ngayon sa aming relihiyon (Islam/Muslim) ‘yung ipagkasundo ang mga anak nila at ang early marriage,” ani Cabugatan.
"Marami akong natutunan tungkol sa Bawal Bastos Law at kung ano ang pinagkaiba nito sa RA 7977 o ang Anti-Sexual Harassment Law. Ang RA 11313 o Bawal Bastos Law ay sumasaklaw sa lahat ng uri ng gender-based violence at sexual harassment sa mga public places kabilang na ang mga eskwelahan at paaralan. Malaki ang tulong ng mga batas na ito para sa ating lahat lalo na sa mga kababaihan,” pahayag din ni Arnold Vocales II ng Human Settlement Adjudication Caraga.
Ayon naman kay Atty. Khristine Kay Lazarito-Calingin, chief GAD specialist ng PCW-NMFO, may naka schedule na rin na Caravan sa Bayugan City, Agusan del Sur; Surigao City, Surigao del Norte; at Tandag City, Surigao del Sur, ngayong buwan ng Abril hanggang mayo ngayong taon.
"Isinasagawa ang caravan na ito sa mga probinsya ng Caraga region para mas lalo pang mapaigting ang ating kampanya laban sa ano mang uri ng karahasan at pang-aabuso lalo na sa mga kababaihan at mga bata. Nais nating mas mapalawak pa ang kaalaman ng publiko patungkol sa mga batas na ito,” tugon ni Calingin. (JPG/PIA-Caraga)