Modernong gusali ng Philippine Red Cross sa Butuan, itinurn-over na
LUNGSOD NG BUTUAN -- Galak at pasasalamat ng Philippine Red Cross (PRC) sa bagong itinurn-over na state-of-the-art facility, ang blood bank building ng Agusan del Norte-Butuan City chapter, ang kauna-unahan sa buong rehiyon ng Caraga kung saan umabot sa halagang five point six million pesos (P5.6 M) na suporta galing sa BDO Foundation, inc. upang maipatayo ito. Isa ito sa 32 blood bank center ng PRC sa buong bansa.
Ayon kay PRC Secretary General Gwendolyn Pang, ang Agusan del Norte-Butuan City chapter ay numero uno sa Caraga region sa paghahatid ng serbisyo sa sangkatauhan, aktibo at tumutulong upang mapaunlad ang kabataan, at volunteers sa kanyang nasasakupan.
Dahil sa bagong pasilidad, umaasa din si Secretary General Pang na mas lalo pang pagbutihin ng local chapter ang kanilang serbisyo, at dadami pa ang bilang ng kanilang matutulongan at mga volunteers.
Bilang chairperson din ng board of directors, masaya si Director Joanna Cuenca, at nangakong hindi titigil at mas pagbutihin pa ng local chapter ang kanilang serbisyo, tulong-tulong upang mas mabigyan ng maayos na serbisyo ang mga nangangailan sa probinsya ng Agusan del Norte, Butuan City at karatig lugar nito.
Umaasa ang Presidente ng BDO Foundation na si Mario Deriquito na mas maging matibay pa ang partnership ng PRC at BDO Foundation sa pagbibigay ng serbisyo.
Malaking pasalamat din ni Chapter Administrator Alger Boter sa bagong blood bank center, anya isa itong pangarap na proyekto ng lokal chapter, na nagkatotoo dahil sa tulong ng BDO Foundation, Inc. (NCLM/PIA Agusan del Norte)