SSS pinaigting ang kampanya laban sa delinquent employers sa Caraga
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa mas pinaigting na kampanya ng Social Security System (SSS) na tinatawag na Run After Contributions Evaders (RACE) sa rehiyon ng Caraga, binisita ng SSS mula sa iba't ibang probinsya ang mga employer na hindi nagbabayad ng tamang SSS contribution para sa kanilang mga manggagawa o empleyado.
Ipinaalala nila sa mga employer ang kanilang tungkulin.
Binigyan din sila ng tsansang mabayaran ang kanilang delinquencies sa SSS bago pa ito umabot sa pagsampa ng kaso sa korte.
Sa Tandag City, may 336 delinquent employers ang naitala na mayroong 4,384 na empleyado na non-compliant on remittances ng kanilang SSS contributions.
Sa Prosperidad, Agusan del Sur, siyam na employer naman ang binisita ng mga kawani ng SSS at binigyan sila ng notice to comply.
Ayon sa batas, kinakailangang mag-sumite ang mga employer sa SSS ng listahan ng kanilang empleyado sa loob ng 30 araw sa simula ng kanilang trabaho, kasali na ang kontribusyon, maging sa payroll kung saan nakalagay ang tamang rate ng SSS contributions nila.
Binigyang-diin ni Exequiel Amplayo, corporate executive officer II ng SSS San Francisco, Agusan del Sur Branch na regular na nagsasagawa ng inspeksyon ang mga account officers sa mga records ng mga employers sa kanilang area of assignment at pagbibigay abiso o paalala sa kanila.
“Ina-assess ng ating mga account officers ang bawat system records, contributions ledgers, at actual payroll audit, maging ang headcount ng actual employees ng mga employers kada taon," tugon ni Amplayo.
Pinasalamatan din ni Maria Flor Montil, acting branch head ng SSS San Francisco, Agusan del Sur Branch, ang mga delinquent employers sa kanilang kooperasyon at pagtanggap sa notice ng SSS.
“Maraming salamat sa ating mga partner stakeholders sa kanilang patuloy na suporta sa SSS at sa mga hakbang na ginagawa nito para magabayan ng mabuti ang mga employer sa kanilang tungkulin at responsibilidad sa kanilang mga empleyado,” ani Montil. (JPG/PIA-Agusan del Sur)