Mahigit 1.36M benepisyaryo tatanggap ng P3B fuel subsidy
Inaprubahan na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang paglabas ng P3 bilyong pondo para sa implementasyon ng Fuel Subsidy to the Transport Sector Affected by Increasing Fuel Prices o ang Fuel Subsidy Program (FSP)], na layong bigyan ng ayuda ang mahigit 1.36 milyong drayber at operator na apektado ng serye ng oil price hike.
“Transportation is the lifeblood of our economy. Bilin po sa
amin ni President Bongbong Marcos na tulungan at huwag pabayaan ang ating mga
manggagawa sa transport sector. Kaya naman po sisiguruhin namin na mabibigyan
sila ng nararapat na tulong mula sa gobyerno,” pahayag ni Amenah Pangandaman.
Ang paglalabas ng pondong P3 bilyon ay kasunod na rin ng
kahilingan ng Department of Transportation (DOTr), at alinsunod sa Special
Provision (SP) No. 7 ng DOTr-OSEC agency-specific budget sa ilalim ng Republic
Act (RA) No. 11936 o ang Fiscal Year (FY) 2023 General Appropriations Act
(GAA).
Nauna nang nagsumite ng pormal na kahilingan ang DOTr nuong
Agosto 9, 2023 ngunit ibinalik ng DBM nuong Agosto 17 dahil sa mga natukoy na
ilang tinatawag na deficiencies at inconsistencies sa mga dokumento, kabilang
ang hindi pagsusumite ng kaukulang guidelines mula sa DOTr, Department of
Energy (DOE), at DBM, na requirement sa ilalim ng SP No. 7 ng FY 2023
DOTr-Office of the Secretary (DOTr-OSEC) Budget.
Nuong Setyembre 4, muling natanggap ng DBM ang opisyal na
kahilingan ng DOTr kalakip ang mga kinakailangang dokumento kabilang ang kopya
ng FSP guidelines na may petsang Agostong 31, 2023 at pirmado ng mga pinuno ng
DOTr, DBM, DOE, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB),
at Landbank of the Philippines (LBP).
Matapos ang validation ng LTFRB, sa pakikipag-ugnayan sa DILG,
Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department
of Trade and Industry (DTI), ang natukoy na 1.36 milyong target beneficiaries
ay makatatanggap ng one-time fuel subsidy, depende sa uri ng kanilang
pinapasadang sasakyan:
-Modernized Public Utility Jeepney (MPUJ): P10,000
-Modernized Utility Vehicle Express (MUVE): P10,000
-Traditional PUJ: P6,500
-Traditional UVE: P6,500
-Public Utility Buses (PUB): P6,500
-Minibuses: P6,500
-Taxis: P6,500
-Shuttle Services Taxis: P6,500
-Transport Network Vehicle Services: P6,500
-Tourist Transport Services: P6,500
-School Transport Services: P6,500
-Filcabs: P6,500
-Tricycles: P1,000
-Delivery Services: P1,200
Batay na rin sa balangkas ng Memorandum of Agreement (MOA) na
isinumite ng DOTr, ang pondo ng subsidiya ay ibibigay sa DOTr-OSEC na siyang
magbababa sa LTFRB, bilang implementing agency.
Ibabase naman ng LBP sa master list ng eligible beneficiaries na
sertipikado ng LTFRB, DICT, DTI, at DILG, ang distribusyon ng subsidiya sa
pamamagitan ng modes of payment, proseso at schedule na aprubado ng LTFRB.
Pinagsusumite rin ang LBP sa DOTr at LTFRB ng regular na kinakailangang ulat
hinggil sa naging distribusyon ng subsidiya sa mga benepisyaryo bilang bahagi
ng monitoring ng programa. (DBM/PIA-Caraga)