Mag-aaral sa Tawi-Tawi nakatanggap ng school supplies sa pagdiriwang ng Sheikh Makhdum Day
Naging katuwang ng Department of Budget and Management (DBM) ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), at Philippine Coast Guard (PCG) sa pamamahagi ng school supplies sa mga batang estudyante ng Tawi-tawi.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-643 anibersaryo ng Sheikh
Makhdum Day, kung saan ang naging pinaka-sentrong aktibidad ay ang pagpapasinaya
ng Historical Marker ng Sheikh Makhdum Mosque na dinaluhan ni DBM Secretary
Amenah F. Pangandaman at ng iba pang opisyal.
“Unang-una po sa mahahalagang programa at prayoridad ng
administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ay ang edukasyon at bahagi
rin ng ating adbokasiya ay tulungan ang mga bata,” pahayag ni Secretary
Pangandaman.
“Bilang Rear Admiral ng Philippine Coast Guard Auxillary din po,
ang ganitong outreach program ay bahagi po ng aming layuning tumulong sa
kabataan at mga komunidad lalo na sa Mindanao na aking pinanggalingan.
Buong-buo po ang aking suporta sa mga hakbangin ng PCGA at ng PCG,” dagdag pa
ng kalihim.
Laman ng backpack na ipinamahagi sa mga bata ay papel, lapis,
coloring book at coloring pens na kanilang magagamit sa pag-aaral.
Aabot sa 322 na mga bata mula sa munisipalidad ng Simunul,
Tawi-Tawi ang nakatanggap ng school supplies. Nauna rito, nagsagawa rin ng
outreach program sa bayan ng Sibutu, Tawi-Tawi kung saan ay nasa 361 day care
students ang nakatanggap ng school supplies.
Kasama ring namahagi ng school supplies sila DBM Undersecretary Goddes Hope
Libiran, Undersecretary Margaux Marie Salcedo, Undersecretary Wilford Will
Wong, NHCP Chair Dr. Emmanuel Calario, PCG Captain Christopher Auro, Tawi-Tawi
Vice-Governor Al-Syed Sali, Simunul Mayor Wasilah Abdurahman, at Simunul
Vice-Mayor Ershad Abdurahman. (DBM/PIA-Caraga)