Kapulisan sa Agusan Sur nagpaalala sa paggamit ng iligal na paputok sa bagong taon
PROBINSYA NG AGUSAN DEL SUR -- Sa pagsalubong ng bagong taong 2024 nang masaya at matiwasay kasama ang mga mahal sa buhay, muling nagpapaalala sa lahat ang kawaii ng Agusan del Sur Police Provincial Office (ADSPPO) patungkol sa paggamit ng mga iligal na paputok at paggamit ng baril sa pagsalubong ng bagong taon.
Ito ang listahan ng mga ipinagbabawal na paputok: Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star, Pla-pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Super Lolo, Atomic Triangle, Goodbye Bading, Large-size Judas Belt, Goodbye Philippines, Goodbye Delima, Bin Laden, Hello Columbia, Mother Rockets, Goodbye Napoles, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox, Mother Rockets, Boga, Kwiton, and Kabasi, alinsunod sa Executive Order (EO) No. 28, series of 2017.
Panawagan mismo ni Police Colonel Jovino Canlapan, provincial director ng ADSPPO na iwasan ding magpaputok ng baril o indiscriminate firing sa pagdiriwang ng bagong taon. Ang sinumang mahuhuli na lalabag sa batas na ito ay bibigyan ng karampatang parusa.
“Hangga’t maari, huwag bumili o gagamit ng mga ipinagbabawal na paputok. Gumamit na lang ng torotot o iba pang bagay na gumagawa ng ingay. Mahalaga po ang ating Buhay, iwasan ang paputok at salubungin natin ang bagong taon ng ligtas, masaya at puno ng pag-asa,” saad ni Canlapan.
Ito ay naaayon sa process excellence perspective ng PNP P.A.T.R.O.L. PLAN 2030 sa ilalim ng layunin, pagpapabuti ng pag-iwas sa krimen at kahusayan ng solusyon ng organisasyon. (ADSPPO/PIA-Agusan del Sur)