DBM, nakapaglabas ng mahigit P47.5-B para sa social assistance on individuals, families in difficult circumstances noong 2023
BUTUAN CITY -- Naglabas ang Department of Budget and Management ng kabuuang
P47.54 bilyon para sa pagpapatupad ng Protective Services of Individuals and
Families in Difficult Circumstances (PSIFDC) program noong 2023.
Sa ilalim ng pamumuno ni DBM Secretary Mina F. Pangandaman,
layon ng malaking pondong ito ang magbigay ng mahalagang suporta sa
pagpapatupad ng PSIFDC program, na sumasaklaw sa isang hanay ng serbisyo na
nakatuon sa pagpapagaan ng mga pasaning kinakaharap ng mga indibidwal at
pamilya sa krisis.
“In times of crisis, our duty as
public servants is to extend a helping hand to those who need it most. Marami
po sa ating mga kababayan ang umaasa sa tulong na ibinibigay ng programa kaya
sinisiguro po natin na patuloy itong aagapay sa mga kababayan nating nangangailangan,”
pahayag ni Secretary Pangandaman.
Kabilang sa PSIFDC ang programang Assistance to Individuals in
Crisis Situation (AICS), isa sa mga pangunahing programa para sa kapakanan ng
publiko ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nagbibigay
ng tulong medikal, panglibing, pang-edukasyon, transportasyon, pagkain, at
pera.
Ang pangunahing layunin ng AICS program ay tulungan ang mga
Pilipinong nasa matinding kalagayan dahil sa sakit, pagkawala, o iba pang
hamon.
DBM, nangakong ipagpapatuloy
ang social assistance funding sa 2024
Samantala, ngayong taon, may kabuuang P34.27 bilyon ang inilaan
para sa parehong layunin sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
Ang nabanggit na halaga ay naglalayong tulungan ang may 3,876,673
na mga benepisyaryo sa buong bansa.
Ayon sa Budget Secretary, ang pagpapatuloy ng social assistance
ay naaayon sa pangarap ng Pangulo ng isang Bagong Pilipinas, kung saan mahusay
ang pagtugon ng gobyerno sa mga pangangailangan ng mga mamayan at sa pagtulong
sa kanila sa panahon ng krisis nang tuluyang makabangon at makapagtatag
ng mas mabuting buhay.
“As mandated by our President
Ferdinand R. Marcos Jr., we will remain committed to uplifting the lives of our
kababayans, especially the most vulnerable, through supporting targeted social
assistance programs. Sa Bagong Pilipinas, sama-sama po tayo, walang maiiwan. As
public servants, we need to be there for the Filipino people, especially at
times when they need us the most,” ani Pangandaman. (DBM/PIA-CARAGA)