DBM naglaan ng mahigit P10-B para sa fuel, fertilizer aid ng mga magsasaka
Alinsunod sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lalo pang mapalakas ang sektor ng agrikultura sa bansa, mahigit P10 bilyon ang inilaan para magbigay ng tulong sa gasolina at pataba sa mga magsasaka ngayong taon sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act (GAA).
“Bukod po sa pagpapalakas ng produksyon at suplay ng pagkain sa bansa, tiniyak po ng ating mahal na Pangulo na mabigyan ng nararapat na tulong ang ating local famers, that's why this government will always look for the best solutions to provide assistance to them,” pagbibigay-diin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina F. Pangandaman.
Sa ilalim ng Special Provision ng FY 2024 GAA, naglaan ng kabuuang P9.561 bilyon para sa pamamahagi ng fertilizer discount voucher sa ilalim ng Project Support Services ng National Rice Program ng Department of Agriculture.
Sa P9.561 bilyon, P6.161 bilyon ang gagamitin para sa fertilizer assistance para punan ang DA Hybrid Seed Program at P3.4 bilyon para sa DA Inbred Seed Program.
Inaasahang maipatutupad ang fertilizer assistance program sa mga pangunahing lalawigan na nagpo-produce ng bigas, at upang itaguyod ang balanced fertilization para pataasin ang rice productivity.
Fuel assistance para sa mga magsasaka
Samantala, naglaan ng kabuuang P510.4 million para sa fuel assistance ng mga magsasaka, na kasama rin ang operating expenses mula sa pagmimigay ng naturang tulong.
Ang pagpapatupad ng nasabing program ay isasailalim sa panuntunan na ipalalabas ng DA, sa pakikipagtulungan ng DBM at ng Department of Energy. (DBM/PIA-Caraga)