Creative Caraga Festival, matagumpay na idinaos sa Butuan City
BUTUAN CITY -- Idinaos ang kauna-unahang Creative Caraga Festival sa Butuan City bilang pagpupugay sa sining, inobasyon at pagiging malikhaing ng mga Caraganon, na pinangungunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) Caraga.
Ito ay alinsunod na rin sa Philippine Creative Industries Development Act (PCIDA) na layong tulungan at suportahan ang creative industries ng bansa.
Tampok sa Creative Caraga Festival ang siyam na creative domains tulad ng design, performing arts, digital interactive media, audio visual media, traditional cultural expressions, creative services, visual arts, publishing and printed media, at cultural sites.
Ayon kay DTI Regional Director Gay Tidalgo, isinagawa ang Creative Caraga Festival para matulongan at mabigyan ang mga artist sa Caraga ng oportunidad na maipakita ang kanilang mga likhang sining.
Lubos naman ang pasasalamat ni Thelma Villanueva, isang retired government teacher, sa di inaasahang pagkilala sa kanyang kotribusyon sa larangan ng performing arts.
Malaki din ang pasasalamat ni Jerome Buray mula sa San Francisco, Agusan del Sur at kabilang sa design domain sa DTI sa pagkakataon na ibinigay sa kanila para maipakita ang kanilang mga likha.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit isang daan ang bilang ng mga artists na rehistrado sa Caraga. (MFC/PIA-Caraga)