Kaalaman hinggil sa Cerebral Palsy, mas pinalawig pa ng DSWD-13
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Mas pinaigting at pinalawig pa ng Regional
Committee On Disability Affairs (RCDA) sa pangunguna ng Department Of Social
Welfare And Development (DSWD) Caraga ang paghahatid ng mahahalagang
impormasyon para mas maintindihan ng publiko ang iba't ibang health condition
lalo na ang may Cerebral Palsy na isang neurological na kondisyon na magdudulot
ng hirap o kawalan ng balanse at normal na paggalaw ng iba't ibang parte ng
katawan.
Ito ang tinalakay sa isinagawang forum ng mga disability
federation leaders sa Butuan City, kung saan dumalo rito ang iba't ibang
organisasyon at ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Sheikah Lansang, registered occupational therapist at
certified developmental play practitioner, maiiwasan ang pagkakaroon ng
Cerebral Palsy sa mga sanggol kung matutukan ang kondisyon ng mga buntis, at
maaari rin itong maagapan sa tulong ng early detection sa pamamagitan ng ilang
medical o assessment test.
Binigyang diin din ng DSWD-Caraga na hindi nakakahawa ang Cerebral
Palsy at mga nagkakaroon nito ay may karapatan ding mamuhay ng walang
diskriminasyon.
“Mahalaga na sa pagbubuntis pa lang ay maalagaan nang maayos ang
kondisyon nila pati ng bata sa sinapupunan nito. Dapat ring iwasan ang mga
aksidente tulad ng pagkahulog ng bata kung saan mabagok ang ulo nito na may
malaking epekto sa development ng bata,” ani Lansang.
Nanawagan din si Moriah Tambura, social welfare officer II ng
DSWD-Caraga na tumulong sa adbokasiya at sa pagpapalawig ng impormasyon hinggil
sa Cerebral Palsy dahil marami aniya ang hindi alam kung paano ito nakukuha ng
tao at paano din ito maaagapan.
“Hindi po nakakahawa ang sakit na Cerebral Palsy. Hindi rin po
nila ginusto na magkaroon nito, kaya tayo po ay maging sensitibo sa usaping
ito, at tumulong na maibahagi ang ating nalalaman tungkol dito sa ibang tao,”
saan ni Tambura.
Ibinahagi rin ni Charina Mercado, administrative officer II ng
Department of Justice (DOJ) Caraga na isa sa mga lumahok sa naging forum, na
may Karapatan ding mamuhay ang mga taong may Cerebral Palsy at nararapat
aniyang bigyang-tugon ang pangangailangan nito.
Ngayong taon ipinagdiriwang ang ika-dalawamput isang anibersaryo ng Cerebral Palsy Awareness and Protection Week mula Setyembre 16-22, alinsunod sa Proclamation No. 858 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. (JPG/PIA-Caraga)