Kabataang Higaonon nakinabang sa Pamaskong Handog ng NCIP-13
BUTUAN CITY -- Tinahak ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Caraga kasama ang Agusan del Norte Indigenous Peoples Youth Organization (ADNIPYO) at Philippine Air Force Tactical Operations Group 10 (TOG10) ang matinding daan dulot ng sunod-sunod na pag-ulan patungo sa Sitio Bagang, Barangay Simbalan, Buenavista, Agusan del Norte upang maidaos ang Pamaskong Handog para sa Katutubong Kabataan noong Disyembre 13.
Lubos na ikinagalak ng mahigit 150 na kabataang Higaonon ang munting pagtitipon kung saan ibinahagi ang iilang regalo kagaya ng mga biskwit, tinapay, spaghetti, kendi at tsokolate, sorbetes, bigas, tsinelas, laruan, damit, oral health kit, at iba pa.
“Wala ta gipasagdan sa gobyerno,” wika ni Datu Virgilio Cadeniag Jr., barangay indigenous peoples mandatory representative (IPMR) ng Simbalan, Buenavista, Agusan del Norte habang nagpapaabot sa kanyang pasasalamat para sa pambihirang pagkakataon kung saan napiling benipisyaryo ang katutubong pamayanan ng mga Higaonon.
Si Dr. Eleanor Galimpin at Connie Uson ng NCIP Citizens Charter (CSC) Buenavista ay nangulo din sa pangkalusugang konsultasyon at namigay ng mga bitamina. Nagkaroon din ng magic show, palaro, at pagtatanghal ng katutubong mga sayaw at awit.
“Nalipay ko nga makita akong mga ka-tribo nga nagkatapok nga malipayon,” ayon kay Paulino Cadeniag Jr., ADNIPYO vice president, habang kanyang sinalaysay ang hirap sa pagdala ng mga kakailanganing mga kagamitan para sa pagtitipon. Hinikayat din niya ang mga katutubong kabataan na patuloy na isabuhay ang kustombre at tradisyon na minana sa mga ninuno sapagkat sila din ang susunod na magiging mga pinuno ng pamayanan.
Ang naganap na Pamaskong Handog para sa Katutubong Kabataan ay naging matagumpay sa tulong ni Governor Angel Amante sa pamamagitan ni Datu Bawang Eddie Ampiyawan, Sangguniang Kabataan of Agusan del Norte President Gea Abby Gayle Rizon kasama ang mga Sangguniang Kabataan Federation Presidents ng Cabadbaran City, Kitcharao, and Buenavista, Agusan del Norte Provincial IPMR Dakula Randy Catarman, Agusan del Norte Provincial Tribal Chieftain Bae Nenita Porogoy-Umba, at RTR Municipal IPMR Dakula Antonio Jarinayan.
Nagpaabot din ng pakikiisa sa kapaskuhan ang Philippine Army Finance Center Producers Integrated Cooperative, Gardenia Nutrimax, at Agusan Del Norte Provincial Hospital. Malaki din ang kasiyahan na naipamahagi sa tulong ni Surigao del Sur Provincial IPMR Hawudon Jimmy Guinsod.
Isang malaking pasasalamat din sa mga opisyal ng LGU Simbalan na personal na nakiisa sa pamamahagi ng mga regalo kay Head Teacher Edmund Jun Gocotano na nagbigay pahintulot na maging lokasyon ng pagtitipon ang paaralan, sa mga pribadong indibidwal na nagbigay ng kanilang mga donasyon at sa lahat na tumulong para maging matagumpay and Pamaskong Handog para sa Katutubong Kabataan.
Ayon kay Atty. Fritzie Lynne Sumando, representante ni NCIP Caraga Dir. Ordonio Rocero Jr., pagsisikapan ng opisina na taon-taon makakapagdaos ng ganitong pagtitipon bilang pasasalamat na rin sa lahat ng biyaya galing kay Magbabaya. (NCIP Caraga/PIA-Caraga)