Medical allowance para sa gov’t personnel, tuloy na tuloy na
BUTUAN CITY -- Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang Budget Circular No. 2024-6, na naglalaman ng guidelines, rules, at regulations para sa pagbibigay ng Medical Allowance sa mga kwalipikadong kawani ng gobyerno simula fiscal year 2025.
Ang pagbibigay ng medical allowance para sa mga government employees ay alinsunod sa Executive Order (EO) No. 64, series of 2024, na nagtatakda rin ng pagtaas ng sahod para sa mga kawani ng gobyerno na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong ika-2 ng Agosto 2024.
"This is a promise fulfilled. Matagal ko na pong pangarap ito para sa ating mga kababayan. Pagpasok po ng 2025, maaari na po silang makatanggap ng medical allowance para makatulong sa pagkuha nila ng HMO para sa kanilang health-related expenses o gastusin. Ito po ang ipinangako ni Pangulong Marcos Jr. at ngayon po ay tinutupad niya ito para sa ating mga lingkod bayan," sabi ni Sec. Pangandaman.
Ang medical allowance, na may halagang hindi hihigit sa P7,000 kada taon, ay ibibigay bilang tulong sa mga kwalipikadong civilian government personnel upang makapag-avail ng health maintenance organization (HMO)-type na mga benepisyo.
Sakop ng Circular na ito ang lahat ng civilian government personnel sa mga ahensya ng national government, kabilang ang state universities and colleges (SUCs) at government-owned and controlled corporations (GOCCs) na hindi saklaw ng Republic Act No. 10149 at EO No. 150, series of 2021, anuman ang status ng appointment, regular man, casual, o contractual; appointive or elective; at sa full-time o part-time basis.
Sakop din ng Circular ang mga kawani ng local government units at local water districts.
Ang medical allowance ay maaaring ipagkaloob sa pamamagitan ng HMO-type product coverage, na maaaring i-avail ng alinman sa mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman o mga organisasyon/grupo ng kani-kanilang empleyado.
Maaari rin itong maging cash form para sa mga mag-avail ng kanilang sarili o magbabayad/mag-rerenew ng kanilang kasalukuyang HMO-type benefit; at para sa mga nagbayad ng kanilang mga medical expenses, na hindi limitado lamang sa pagpapaospital, emergency care, diagnostic tests, at mga gamot, na hirap sa pagkuha ng HMO-product dahil sa mga sumusunod:
1. Kabilang sa geographically isolated and disadvantaged areas ang kanilang lugar;
2. Walang
sapat na HMO branch o opisina ng lisensyadong HMO company sa kanilang lugar;
o
3.
Tinanggihan ng HMO company ang kanilang aplikasyon para sa HMO coverage.
Gayunpaman, ang ganitong arrangement ay hindi makakaapekto sa kagustuhan ng mga empleyado na hindi kumuha mula sa group purchase at ng kani-kanilang indibidwal na ibang HMO product.
"Muli, nagpapasalamat po tayo sa Pangulo dahil malaking bagay po ito para sa ating mga kawani. This medical allowance is not just a benefit, it's a vital investment in safeguarding a healthy workforce and ensuring that they perform at their best," pahayag ni ng kalihim. (DBM/PIA-Caraga)