Mga nagwagi sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2025 tumanggap ng P100k mula sa KWF
LUNGSOD NG BUTUAN -- Nagwagi ng isang daang libong piso (P100,000.00) sa Gawad Balmaseda 2025 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Dr. Mariyel Hiyas C. Liwanag, para sa kaniyang disertasyon sa DLSU-Maynila na pinamagatang “Isabuhay: Isang Larong Disenyo para sa Diskurso ng mga Wikang Katutubo” bílang pinakamahusay na disertasyon sa taóng 2025.
Inugat ang disertasyong mula sa sariling karanasan ng mananaliksik bílang isang guro ng wika, isang mag-aaral na nagpapatúloy sa pananaliksik ng pag-iral, pagbabago at paggamit ng wika, at isang manlalarò mula sa isang konsumeristang bansa.
Tinalakay sa disertasyon ang sariling konsepto ng value engineered na ikinawing ng mananaliksik sa pandaigdigang konsepto ng mga karapatang pantao sa wika (linguistic human rights). Ibinalangkas ng mananaliksik ang kabuoang tindig hinggil sa idinidisenyong laro gámit ang konsepto ng value engineered sa paglalarawan ng kalagayang pangwika sa bansa magmula sa mga sangguniang tumatalakay direkta at di-direkta tungkol sa wika mula panahong bago ang pananakop ng mga Español hanggang sa kasalukuyan.
Samantála, nagwagi rin si Kristine Mae M. Nares ng isang daang libong piso (P100,000.00) para sa kaniyang tesis masterado sa Bicol University na pinamagatang “Pagmamapa ng Kalinangang Bayan ng Munisipalidad ng Guinobatan, Albay” bílang pinakamahusay na tesis sa taóng 2025 ng Gawad Julian Cruz Balmaseda.
Ang tesis ay nakatuon sa pagkolekta, pagsalin, at pagbigay interpretasyon sa kalinangang bayan ng Guinobatan, Albay upang makalikha ng aklat na magagamit bílang kagamitang panturo.
Nagbigay ng malaking ambag ang pag-aaral ng kalinangang bayan upang mas pag-ibayuhin ang pangangalap nitó nang matukoy pa ang kultural na yaman ng lokal na pámahalaán túngo sa pagpapaunlad ng kulturang Bikolnon at preserbasyon ng mga katutubong panitikang may malaking banta ng extinction para sa kamalayan at kabatiran ng mga susunod na salinlahi.
Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay isang gawad para sa pinakamahuhusay na tesis at disertasyon na isinulat gámit ang wikang Filipino para sa mga larang akademiko, lalo na sa agham pangkalikasan, agham panlipunan, at matematika. Layunin ng gawad na ito na hikayatin at palaganapin, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo ang pagsusulat at publikasyon ng mga akdang orihinal at ambag para sa intelektuwalisasyon at modernisasyon ng Filipino. (KWF/PIA-Caraga)