Pages

Tuesday, 14 January 2025

Agusan Sur magsisilbing pilot province sa proyekto ng NIA 

LUNGSOD NG BUTUAN -- Inilunsad ngayong bagong taon ang Farmers Support Services Program (FSSP) ng National Irrigation Authority (NIA) sa Agusan del Sur bilang pilot province ng naturang programa. Sa ilalim nito, ang mga farmer-partners na kasapi ng mga irrigators associations ay makakatanggap ng direktang tulong pinansyal na gagamitin sa pagbili ng binhi at abono. 

Aalalay ang Department of Agriculture (DA) at provincial government of Agusan del Sur (PGAS) sa mga magsasaka sa panahon ng ani at tutulong din ang NIA na mabenta ang naaning palay sa Katuwang sa Diwa at Gawa para sa Masaganang Ani at Mataas na Kita (KADIWA) sa tamang presyong merkado. 

Sa pilot year ng FSSP sa Agusan del Sur, 1,423 na ektaryang sakahan sa Veruela at 1,000 ektarya sa Bayugan City ang napabilang sa magiging pilot areas sa rice planting season. 

Layon ng programa na maitawid ang mga rice farmers at makalabas sa cycle of financial dependency sa mga nagpapautang at maisulong ang sistemang direct farmers to market value chain na siguradong magpapababa ng presyo ng bigas sa merkado. 

Sa tulong ng PGAS at gabay ng mga soil health technicians, isinusulong na ang magiging pilot planting season ay isasailalim sa soil test based fertilization protocols. 

Napili ang lalawigan ng Agusan del Sur na maging pilot province ng farmers support program dahil na rin sa pagkakaisa ng mga provincial at municipal leaders na ipagtibay ang scientific agriculture practices sa pamamagitan ng Upland Sustainable Agri-Forestry Development (USAD) program at  pagpapatayo ng modern provincial soils laboratory. (Team Eddiebong/PIA-Agusan del Sur)