Opisyales ng DOTr masusing sinuri ang Jubang Cruise Port, Sayak Airport sa Siargao Island
SURIGAO CITY, Surigao del Norte -- Binisita at masusing sinuri ng matataas na opisyales ng Department of Transportation (DOTr), sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, ang bagong Jubang Cruise Port sa isla ng Siargao nitong ika-23 ng Marso.
Kasama ni Secretary Dizon sa makasaysayang inspeksyon ang ilang mahahalagang opisyales ng kagawaran, kabilang sina Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, Undersecretary Atty. Giovanni Lopez, Undersecretary Capt. Jim Sydiongco, Deputy Director General Atty. Danjun Lucas, Assistant Secretary Michelle De Vera, Chief of Staff Allan Yap, at Director Zhane Ramos-Liwanag.
Ang Jubang Cruise Port ay ang kauna-unahang dedicated port para sa mga cruise ship sa Pilipinas. Ito'y itinatag bilang tugon sa patuloy na pag-angat ng turismo sa buong bansa, partikular sa isla ng Siargao na patuloy na dinadayo ng mga banyagang bisita.
Inaasahan na ang Jubang Cruise Port ay magbibigay ng malaking kontribusyon sa lumalawak na popularidad ng Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng mga cruise ship sa Asya.
Bilang bahagi ng kanilang pagbisita, sinuri rin ng mga opisyales ang Sayak Airport upang masuri ang mga kinakailangang pagpapabuti at mga proyektong pag-unlad para sa mas mahusay na serbisyo sa mga pasahero. Layunin nito na maging katuwang sa operasyon ng Jubang Cruise Port
Ang pagbisita ng mga opisyales ng DOTr ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng pamahalaan na palakasin ang imprastruktura ng turismo sa mga pangunahing destinasyon sa bansa, partikular sa mga sikat na isla tulad ng Siargao na kilala sa kanyang surfing spots at likas na kagandahan. (PPA-PMO Surigao/PIA-Surigao del Norte)